Filtered By: Topstories
News

Dalagitang nagluluksa sa pagpanaw ng ama, inabuso pa raw ng pulis


Doble ang kalbaryo ngayon ng isang ginang dahil bukod sa kamamatay lang ng kaniyang asawa, malaman pa niyang pinagsamantalahan umano ang kaniyang 14-anyos na anak. Ang salarin, ang pulis na malapit pa man din daw sa kanilang pamilya.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing hindi makapaniwala ang ginang sa sinapit ng kaniyang anak sa kamay ng suspek at kaibigan nilang pulis na si PO2 Adan Mar Querido.

"Kakamatay lang ng asawa ko, katatapos lang sa isang trauma, 'di pa nakakarecover tapos ito na naman," umiiyak na pahayag ng ina.

Ayon sa ginang, pulis din ang kaniyang namayapang mister kaya naging kaibigan ng kanilang pamilya si Querido.

Kuwento pa niya, nagtungo sa kanilang bahay ang suspek at iniwan niya ito kasama ang kaniyang anak dahil aasikasuhin niya ang death certificate ng mister.

"Tiwala po kami sa kanya matagal na namin siyang kakilala," anang ginang. "Mabait kaya 'di ako naghinala."

Pero kaagad daw siyang umuwi nang mag-text ang kapitbahay na pinakiusapan niyang tumingin sa anak, at nagsumbong tungkol sa tila kahina-hinalang kilos ng suspek.

Nang magkauwi, kinausap umano ng ginang ang anak na umaming may nangyari sa kanila ng pulis matapos daw siyang pilitin.

Base sa salaysay ng biktima, natigil lang daw ang pang- aabuso sa kaniya ni Querido nang marinig ang kapitbahay na paulit-ulit na siyang tinatawag.

Mabilis daw nagbihis ang pulis at saka umalis.

Nitong Huwebes, isinailalim sa medico legal ang dalagita. Samantala, isinailalim naman sa inquest proceedings ang suspek na tumangging magbigay ng pahayag sa media, at sinabing sa korte na lang daw siya magpapaliwanag. -- FRJ, GMA News

Tags: rape