Filtered By: Newstv
NewsTV

'Reel Time' presents 'Hebigat'



400 pounds! 'Yan ang timbang ngayon ni Jef Henson Dee, 35 anyos at isang propesor sa isang unibersidad sa Maynila.

Si Gelene Butawan naman, 26 taong gulang at isang call center agent, nasa 200 pounds na ang bigat ngayon!

Si Anya, tatlong taong gulang pa lang pero simbigat na ng isang teenager!

Ilan lamang sila sa ilang milyong Filipinong obese o sobra-sobra sa timbang.

Ayon sa pag-aaral ng National Nutrition Council, tatlo sa bawat sampung Pilipino ang naitalang overweight o obese noong 2013. Ayon pa sa NCC, patuloy na tumataas ang bilang ng mga matatabang Pilipino sa nakaraang dalawang dekada. At kapag nagpatuloy ito, posibleng tumaas din ang bilang ng mga maaaring tamaan ng mga high risk diseases sanhi ng sobrang katabaan..

Ayon sa World Health Organization, ika-lima na ang obesity sa nangungunang dahilan ng mga pagkamatay sa buong mundo. May mahigit-kumulang 2.9 milyong adults ang namamatay taun-taon sanhi umano ng sobrang katabaan. At pinangangambahang pataas pa nang pataas ang bilang na ito. Isa na nga ang obesity sa mga pangunahing isyu na binibigyang-pansin ngayon sa buong mundo.

Sina Jef at Gelene, wala na raw balak pang magpapayat sa ngayon. Si Jef, nakakakuha pa raw ng mga role sa TV dahil sa kaniyang pagiging bilugan. Habang si Gelene, model naman ng mga plus size na damit.

Si Anya naman, bagama't hindi naman sakitin, unti-unti na ring binabawasan ang pagkain upang maiwasan ang anumang magiging kumplikasyon.

Kilalanin pa sila sa Reel Time presents 'Hebigat' ngayong Linggo, alas-9 ng gabi sa GMA NewsTV.

Tags: prstory